Pagtindig Mula sa Huwad

ni: John Paul I. Blando

Iginuhit ni: Rhuvic Marie A. Salvoza 


Kasunod ng paglaganap ng teknolohiya, lalo na ng social media sa kasalukuyan, ay ang tahasang pagkalat ng fake news. Mabilisan ito kung kumalat na siyang mabilisan ding kumokontrol sa pag-iisip ng mga bumabasa nito. Sa kasalukuyan, social media na ang pangunahing midyum ng komunikasyon kung saan marami ring impormasyon ang kinokonsumo ng mga taong gumagamit nito. Sa panahong mas pinapanigan ng nakararami ang social media at binabaliktad ang tunay na kahalagahan ng malayang pamamahayag, paano nga ba ito maiwawaglit? Saan nga ba nakaugat ang isyung ito at gaano ito kahalaga ngayong papalapit na ang halalan?

Ayon sa isang propesor ng University of the Philippines College of Mass Communication, ang fake news ay nahahati sa dalawang uri: ang disinformation at misinformation. Sa isang panayam, sinabi ni Professor Clarissa David na ang misinformation ay ang mga maling impormasyon na “hindi sadyang" naipapakalat sa internet. Sa kabilang banda, ang disinfomation naman ay may layuning hikayatin ang mga online users na suportahan ang isang partikular na grupo o pananaw sa politika. Ito ay planado at pinopondohan, at sa politika, kontrolado ito ng mga propesyunal. Ito’y nasama na sa makinarya ng iilan, tulad na lamang ng “troll farm,” lalo na ngayong nakasentro na ang pangangampanya online. 

Mula rito’y mababakas kung paano ito nauugnay sa paparating na halalan. Magmula pa noong mga nagdaang halalan ay nariyan ang isyung ito, ngunit hindi pa tuluyang napukaw tulad na lamang ng kung gaano ito kaaktibo sa ngayon. Magkabilaang mga fake news ang pilit pa ring nilalabanan natin sa kasalukuyan, lalo na ng mga mamamahayag na patuloy na itinataguyod ang katotohanan. Ngunit, maaaring hindi maging sapat upang tuluya itong mapigil kaya’t nararapat na magkaroon ng mga alternatibo.  

Habang maaga pa’y dapat nang makontrol ang bagay na ito. Ang pinakamabisang paraan ay ang turuan ang mga tao, partikular na ang mga online users, kung paano nga ba kilatisin ang kredibilidad ng mga impormasyong kanilang nakakalap. Ito nga’y maisasagawa sa pamamagitan ng digital literacy o ang kakayahang gumamit ng iba’t ibang midyum upang mabasa’t bigyang-kahulugan ang iba’t ibang mga teksto, tunog, at imahen. Mula rito’y mas mabibigyang-pansin ang pag-iwas sa fake news sa halip na makaalpas matapos mabiktima nito. Mas mainam pa ring panlaban ang kahandaan kaya’t nararapat lamang na habang nasa murang gulang pa lamang ang mga kabataan, na siyang nangunguna sa bilang ng mga online users, ay mahubog na ang kakayahang ito. Kailangang magkaroon ng sapat na kaalaman ang lahat sa usaping ito nang hindi matigil ang pagkalat ng katotohanan sa halip ng mga huwad na impormasyon.

Bilang mga tao, hindi na kailangang kuwestiyunin pa ang pagiging bahagi ng katotohanan sa ating mga buhay. Responsibilidad din nating mga mamamayan, at hindi lang ng mga mamamahayag ag pagsiwalat at pagpanig sa katotohanan, at sa katotohanan lamang. Ito’y paraan na rin upang mapreserba ang tunay na mga detalye hinggil sa ano mang bagay. Ang fake news ay isa lamang sa mga kasangkapan ng iilang may tinatakbuhan upang matabunan ang katotohanan. Nasa sa’tin pa rin kung paano tayo titindig sa tama, at sa naaayon ding paraan. 


Previous Post Next Post