By Xamantha Carillo
Sinipulan ka na ba habang ikaw ay nasa daan? Ikaw ba ay intensyonal na hinawakan ng katabi mo sa pampasaherong sasakyan? O di kaya’y mayroong nagbahagi ng iyong larawan sa anumang social media platform na hindi mo naman pinahintulutan?
Alamin ang mga hindi kanais-nais na kilos na nakapaloob sa Bawal Bastos Law at ang mga nararapat na kaparusahan para sa mga ito.
Nilagdaan ng dating pangulong si Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11313 o ang Bawal Bastos Law noong Abril 17, 2019. Ang awtor at ang nagpanukala nito sa senado ay si Sen. Risa Hontiveros. Ang nasabing batas ay may layuning protektahan ang bawat indibiduwal, anuman ang kasarian, laban sa iba't ibang uri ng pambabastos o gender-based sexual harassment sa pisikal man o maging sa cyberspace.
Makatutulong ang Bawal Bastos Law na maparusahan ang mga lumabag at madepensahan ang iyong sarili sa loob at labas ng birtwal na mundo. Dahil nasa bahay ka man o wala, mahalagang mayroon kang ligtas at sariling espasyo na hindi maaaring pasukin o galawin ng kahit sino lalo na kung wala ang iyong permiso.
Ano ang Gender-Based Street and Public Spaces Harassment?
Ito ay uri ng harassment na isinasagawa sa pamamagitan ng hindi kaaya-ayang mga komento o kilos sa isang tao sa pampublikong lugar nang wala ang kanyang permiso.
Tinuturing at saklaw ng pampublikong lugar ang mga lansangan, eskinita, pampublikong parke, paaralan, malls, bars, restaurants, mga terminal pangtransportasyon, palengke, mga lugar na ginamit bilang evacuation centers, opisina ng gobyerno, mga pampublikong sasakyan, pati ang mga pribadong sasakyan na sakop ng app-based transport network services, at iba pang lugar-libangan gaya ng sinehan, teatro, at spas.
Ang mga sumusunod ay uri ng mga sexual harassment na labag sa batas at may karampatang kaparusahan:
a.) Verbal Gender-Based Sexual Harassment
• Pagmumura
• Cat-calling
• Paninipol
• Pagtitig nang may pagnanasa
• Mapanuyang mga imbitasyon
• Misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist na mga puna
• Paulit-ulit na pangungutya sa hitsura ng isang tao
• Walang tigil at sapilitang paghingi sa personal na detalye ng isang tao gaya ng kanyang pangalan, kontak, at mga detalye sa social media; o destinasyon
• Paggamit ng mga salita, kilos, o aksyon na nanunuya sa kasarian o sekswal na oryentasyon, pagkakakilanlan, at/o ekspresyon, kasama ang sexist, homophobic, at transphobic na mga pahayag at paninira
• Pagbitaw ng mga sekswal na biro
• Paggamit ng mga sekswal na pangalan, komento, at kahilingan
• Anumang pahayag na gumawa ng panghihimasok sa personal na espasyo ng isang tao o banta sa personal na kaligtasan ng tao
Parusa
(1) Unang Paglabag: P1,000 na multa, 12 oras na community service, kasama ang pagdalo sa isang Gender Sensitivity seminar
(2) Pangalawang Paglabag: 6-10 na araw na pagkakakulong o P3,000 na multa
(3) Pangatlong Paglabag: 11-30 na araw na pagkakakulong, at P10,000 na multa
b.) Demonstrated Gender-Based Sexual Harassment
• Paggawa ng mga offensive body gestures sa iba
• Pagmasturbate sa pampublikong lugar
• Pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan
• Panghihipo
• Iba pang mahahalay na kilos
Parusa
(1) Unang Paglabag: P10,000 multa, 12 oras na community service, kasama ang pagdalo sa isang Gender Sensitivity seminar
(2) Pangalawang Paglabag: 11-30 na araw na pagkakakulong o P15,000 na multa
(3) Pangatlong Paglabag: 1 buwan at 1 araw hanggang 6 na buwan ng pagkakakulong at P20,000 na multa
c.) Gender-Based Sexual Harassment through Stalking and Sexual Advances
• Pang-iistalk o pagsunod nang walang pahintulot na nagdadala ng takot sa taong sinusundan
• Sekswal na mga kilos o pahayag na nabanggit sa (a) at (b) na may kasamang pagpisil o paglapat ng katawan sa biktima
• Paghawak, pagpisil, o paghimas ng ari, mukha, hita, braso, dibdib, o anupamang bahagi ng katawan ng biktima
Parusa
(1) Unang Paglabag: 11-30 araw na pagkakakulong o P30,000 multa kasama ang pagdalo sa isang Gender Sensitivity seminar
(2) Pangalawang Paglabag: 1 buwan at 1 araw hanggang anim na buwan ng pagkakakulong at P50,000 multa
(3) Pangatlong Paglabag: 4 na buwan at 1 araw hanggang anim na buwan ng pagkakakulong o P100,000 multa
Sa mga ganitong klaseng sitwasyon, narito ang ilan sa mga maaaring lapitan at ang kanilang mga pangunahing tungkulin at responsibilidad sa pagsigurong nasusunod ang batas:
1. Mga establisyemento
- Pagtiyak na pinagtitibay ang "Zero-Tolerance Policy" sa mga sexual harassments sa mga nasabing publikong lugar.
- Pagbigay tulong sa biktima sa pamamagitan ng agarang pakikipag-ugnayan sa lokal na awtoridad matapos maisumbong ang nangyaring sexual harassment at pag-abot ng CCTV footage kung hiningi ng korte
- Pagkakaroon ng ligtas at gender-sensitive na paligid para sa biktima upang mahikayat siyang magsumbong
- Paglagay ng malilinaw at nakikitang mga warning signs laban sa gender-based public spaces sexual harassment, gaya ng anti-sexual harassment hotline number na may kalakip na pangalan ng hindi bababa sa isang anti-sexual harassment na opisyal na tatanggap ng reklamo
- Pagtalaga ng mga guwardiya sa mga lugar na ito upang mahuli ang salarin at agad na makatawag sa awtoridad
2. Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
- Pagkansela ng lisensya sa napatunayang nakagawa ng sexual harassment sa pampublikong sasakyan
- Pagsuspinde or pagbawi sa prangkisa ng mga tagapamahala ng transportasyong nakagawa ng gender-based streets and public spaces sexual harassment acts.
3. Local Government Unit (LGU)
- Pagsagawa ng mga campaigns at seminars tungkol sa sexual harassment
- Bumuo ng anti-sexual harassment hotline
- Tumulong at makiisa sa DILG sa pagpapatupad ng batas na ito
4. Department of the Interior and Local Government (DILG)
- Pagtiyak ng kabuuang pagpapatupad ng R.A. No. 11313
- Pagbibigay ng mga aktibidad na huhubog ng kapasidad at kasanayan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang ipatupad at maisagawa ang batas na ito
5. Department of Social Welfare and Development (DSWD)
- Pagsagawa ng angkop na disciplinary measures kung sakaling menor de edad ang gumawa ng sexual harassment
Ano ang Gender-Based Online Sexual Harassment?
Ang uri ng harassment na ito ay nagaganap sa ilalim ng teknolohiya na gumagambala at naghahatid ng takot sa biktima sa pamamagitan ng sumusunod:
• Pisikal, sikolohikal, at emosyonal na pagbabanta, at hindi kagusto-gustong mga sexual misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist na pahayag at komento online sa publiko o sa private messages
• Panghihimasok sa privacy ng biktima sa pamamagitan ng cyberstalking at walang tigil na pagmemensahe
• Pag-uupload at pagbabahagi ng anumang media na naglalaman ng mga sekswal na larawan, boses, o video nang walang pahintulot ng biktima
• Anumang hindi awtorisadong pag-record at pagbabahagi ng alinman sa mga larawan, video, o anumang impormasyon ng biktima online
• Pagpapanggap ng pagkakakilanlan ng biktima online o pagpo-post ng mga kasinungalingan tungkol sa biktima upang sirain ang kanilang reputasyon
• Paghahain ng mga maling ulat ng pang-aabuso sa mga online platform upang patahimikin ang mga biktima
Parusa
2 taon, 4 buwan, at 1 araw hanggang 4 taon at 2 buwan na pagkakakulong o P100,000 hanggang P500,000 multa, o parehong pagkakakulong at pagbayad ng nasabing multa
Sexual Harassment sa Lugar ng Trabaho at mga Paaralan
Ang sexual harassment na ito ay mga kilos na kinasasangkutan ng anumang hindi kanais-nais na mga sekswal na kahilingan o pangangailangan para sa sekswal na pabor o anumang pagkilos na likas na sekswal, berbal man pisikal o sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya tulad ng text, email, o iba pang anyo ng mga sistema ng impormasyon at komunikasyon na mayroon o maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kondisyon ng trabaho o edukasyon ng isang indibidwal.
Kasama rin dito ang mga hindi kanais-nais na conduct of sexual nature or conduct based on sex na nakakaapekto sa dignidad ng isang tao.
Ayon sa batas, dapat pigilan o parusahan ng mga employer at iba pang taong may awtoridad ang mga gawaing ito. Kabilang sa mga aksyon na dapat nilang isagawa ay ang pagbuo ng independent internal committee upang tugunan ang mga magiging reklamo at maimbestigahan. Ang komite ay dapat na pinamumunuan ng babae at dapat ay binubuo ng hindi bababa sa kalahating kababaihan.
Hindi nalalayo rito ang papel na ginagampanan ng mga institusyong pang-edukasyon o mga training centers. Ang responsable sa pagsasagawa ng regular na inspeksyon dito ay ang DepEd, Ched, at Tesda para masigurong tinutupad ng mga tagapamuno ng paaralan ang Safe Spaces Act. Samantalang, responsibilidad naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pribadong sektor at ang Civil Service Commission (CSC) para sa pampublikong sektor ang pagsasagawa ng taun-taong inspeksyon upang matiyak ang pagsunod ng mga employer at empleyado sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng Batas na ito.