DISGRASYA O SINADYA? Pulis natagpuang patay sa Negros Occidental

Ni: ExplainED PH - Aklan

Larawan: Noel Saavedra


Natagpuang walang buhay at may mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang pulis sa Barangay Pilar, Hinigaran, Negros Occidental alas-otso ng umaga kahapon, Enero 23.


Agad na nakilala ang bangkay na walang damit pang itaas bilang si Police Corporal Nestor Madelo, 37, nakadestino sa Bacolod City Police Office (BCPO) – Police Station 5 matapos makuha sa loob ng kaniyang pitaka ang mga identification cards kung saan ay nakita rin sa lugar ang isang magazine ng calibre .9mm.


Kinakabig ngayon ng kapulisan bilang person of interest ang kaibigan nitong si Constancio Canoy, isang miyembro ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) matapos malamang ito ang huling nakasama ng biktima bago ito matagpuang patay. 



Inilantad ni Capt. Ryan Villasario, hepe ng Hinigaran Municipal Police Station, na itinatanggi ni Canoy na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Madelo ngunit kalaunan ay isinalaysay din na habang pauwi matapos pumunta sa isang sabong ay aksidenteng nabangga ng kaniyang minamanehong Suzuki Carry ang isang truck na may dalang mga tubo sa Barangay Sum-ag, Bacolod City na kung saan ay kaniyang sakay si Madelo sabado ng gabi, Enero 22. 



Kinumpirma naman ni Villasario na may naitala ngang aksidente ang Bacolod Police Station 9 sa Barangay Sum-ag, Bacolod City kung saan ay natagpuan ang bahid ng dugo at debris ng sasakyan. 


Katuwiran ni Canoy na nawala na siya sa kaniyang katinuan matapos ang aksidente kung kaya hindi na niya ito naisipang dalhin sa ospital at iniwan na lamang ang biktima sa Hinigaran, 43 kilomentro mula sa pinangyarihan ng sinasabing banggan.


Kaugnay dito, lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) na ang sugat na natamo ni Madelo ay dulot ng "blunt instrument" ngunit wala paring kasiguraduhan kung totoo ang kwento ni Canoy at inaalam parin kung ito ba ay sinadya.


Inilahad din ni Villasario na hindi ito naniniwala sa mga sinasabi ni Canoy at pati ang pamilya ng biktima ay patuloy kinukwestyon ang diumano'y hindi makatotohanang pahayag nito.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng Hinigaran Municipal Police Station si Canoy habang naghihintay na matapos ang reglementary period ngunit may inihahanda nang kasong "reckless imprudence resulting to homecide" dahil sa nakarekord na aksidente.



Hinihintay parin ang resulta sa post-mortem examination sa bangkay ni Madelo upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito habang patuloy na iniimbestigahan ng Hinigaran Municipal Police kasama ang BCPO Police Stations 9 at 5 ang nasabing kaso. 



Previous Post Next Post