Ni: Amiel Roy Zaulda
"Ta, pa-Boracay?"
"G!"
Kung suki ka sa isla ng Boracay, malamang ay pamilyar ka na riyan. Sa isang usapan na binubuo lang ng tatlong salita, nagkakasundo ka na, at ng iyong mga kasama, na tumungo ng Boracay, maglakad sa puting buhangin ng dalampasigan nito, at magtampisaw sa dagat.
Hindi maikakailang patok ang Boracay sa mga lokal o internasyonal man na mga turista, kahit sa kabila ng mga restriksiyong buhat ng pandemyang COVID-19. Sa katunayan, nakapagtala ang Municipal Tourism Office ng Malay mula Enero 1 hanggang Enero 16, 2022 ng 28,060 turistang bumisita sa isla.
Subalit, hindi na lang lahat ng salaysay sa Malay ay tungkol sa mga kilalang atraksiyon sa isla ng Boracay. Marami pang mga tanawin at pook-pasyalan ang nagkukubli sa mga anino ng dalampasigan ng Boracay---naghihintay lang na masilayan ng ating mga mata at pagkamangha.
Ngayon, kung nais mong maghanap ng kahinahunan sa bayan ng Malay, Aklan, narito ang ilan sa pook-pasyalan na seguradong magugustuhan at babalik-balikan ninyo sa mainland Malay at Boracay Island.
1. Malay Ecological Park (Brgy. Argao, Malay)
Kung gusto niyo ng pansamantalang katahimikan mula sa ingay ng siyudad, ang liwasang ito ang inyong magiging kanlungan. Sa katunayan, hinirang ito bilang isa sa Seven Wonders of Malay.
May laking 8,010 metro at taas na 35 metro, hindi nagkulang ang parkeng ito sa mga bagay na i-o-offer nito kagaya na lang ng 65-step na entrance na hagdan, Butterfly Sanctuary, View Deck/Lookout Tower kung saan matatanaw ang Boracay, mga treehouse, at Mini Museum. Bukod dito, ilan lamang ang mga sumusunod sa mga maaari mong gawin sa pook: day camping, prenuptial shoots, at outing place na pampamilya at pambarkada.
Panghuli, 50 piso ang entrance fee, at tiyak na sulit ang iyong pera at byahe rito. Hindi rin ito kalayuan mula sa Brgy. Caticlan dahil 15 minuto lang ang biyahe mula Caticlan Jetty Port.
2. D' Lighthouse Resort (Brgy. Naasug, Malay)
Saktong-sakto ang D' Lighthouse para sa mga turistang naghahanap ng restawran, pahingahan, at lugar pang-camping at para sa iyong mga pre-nuptial o debut shoot.
Isa pang dapat subukan dito ang kanilang kainang D' Lighthouse Cliffside Resto Bar na naghahain ng mga putaheng Pilipino at mga inumin. Ipinagmamalaki rin nila ang kanilang D' Lighthouse Beef Burger with Cheese at D' Lighthouse Club Sandwich.
3. Geron Hills (Brgy. Napaan, Malay)
Kung mahilig kayong magkakaibigan at magkapamilya sa hiking at camping, tiyak na magugustuhan ninyo ang Geron Hills. Dahil sa lokasyon nito, mag-e-enjoy talaga ang mga tao sa view ng mga burol dito.
Bukod sa hiking at camping, ilan sa mga gawain dito ay ang mga sumusunod: siteseeing ng buong isla ng Boracay at mga kalapit na isla gaya ng Sibuyan Island, stargazing, bonfire, at swimming sa ilog. Maaaring magdala ng sariling pagkain, o puwede ring mag-order mismo nang maaga sa kanila.
Sa pangkalahatan, 20 piso ang entrance fee kada tao, 50 piso ang cottage fee, at 200 piso ang tent rental kung saan kasya ang apat na tao, samantalang kahit ilang piso ang bayad sa tour guide.
Bukas ang resort araw-araw, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. Sa kabilang banda, 35 piso ang entrance (libre na sa mga bata edad 8 pababa), 500 piso para sa cottage fee, 250 piso kada tao para sa overnight camping, at 300 piso naman ang renta kada tent para sa tatlong tao.
4. Pangihan Cave (Brgy. Poblacion)
Makikita sa yungib na itong 5,001 sq. metro ang laki at tatlo hanggang limang metrong haba ang naglalakihan at nagkikinangang mga stalactite at stalagmite. Makikitang makitid ang pasukan ng yungib, ngunit malawak ang loob nito kung saan may walong konektadong mga chamber at mga kuyapnit (paniki) na nananahanan sa loob ng kuweba.
5. Nagata Falls (Brgy. Nabaoy)
Ang talon na ito ay para sa mga turistang naghahanap ng hamon dahil bago marating ang Nagata Falls, kailangan mo munang mag-hike nang lima hanggang anim na oras sa mabato nitong mga burol. Subalit, sulit naman ang iyong pagod kapag maliligo ka na sa pinakamataas na talon sa bayan ng Malay matapos mong makumpleto ang hiking.
Anim na tao kada pangkat lang ang pinapayagan, at 500 piso ang bayad sa hiking guide, samantalang 25 piso naman kada tao bilang environmental fee sapagkat hinirang din ang Nagata Falls bilang isa sa Seven Wonders ng Malay.
6. Balay Tadyaw (Brgy. Poblacion)
Nostalgia + hardin + masarap na pagkain? Pareho mo iyang mararanasan sa Balay Tadyaw Cafe. Ilan sa mga Balay Tadyaw special ang mga sumusunod: pizza, pasta, BT (Balay Tadyaw) chickens, quesadilla, at pad Thai. Mayroon din silang meal set choices na sakto para sa pangmaramihan.
Dagdag pa sa inyong fine dining experience ang mga dekorasyon at ornamento rito kung nais mong mabalikan at maramdamang muli ang simpleng pamumuhay ng nakaraan at mga kagamitang gawang-lokal.
7. Tuburan Resort (Brgy. Cubay Sur, Malay)
Isa sa mga ipinagmamalaki nilang amenity ang Kawa Bath kung saan maliligo at mag-relax ang mga bisita sa mainit na tubig habang tinatanaw ang samo't saring naturally-grown na mga damong-gamot (medicinal herbs), mga puno, at mga bulaklak sa palibot ng resort. Larawan: Malay-Boracay Tourism Office
Samantala, kung swimming naman ang pakay mo rito, isa sa mga hindi mo dapat palagpasin ay ang maligo sa kanilang cold natural spring water swimming pool. At siyempre, may mga cottage din na maaaring irenta kapag pumapasyal dito.
8. Motag Living Museum (Brgy. Motag, Malay)
Kung mahilig ka sa mga museo at nais na i-"level up ang experience," wala nang ibang lugar ang iyong dapat puntahan kundi ang Motag Living Museum. Sa museong ito, ipinapakita at ipinararanas sa mga turista ang simpleng pamumuhay ng mga lokal na mamamayan bago pa ang mga modernong teknolohiya.
Sa imersiyon sa museong ito, mararanasan at matututuhan ng mga bibista ang mga sumusunod: paggawa ng mga tradisyonal na mga produkto kagaya ng mga bag, abaniko, pinggan, at iba pa gamit ang mga lokal na materyales, pagsasaka, at pag-araro ng palayan.
Sa kabuoan, nagiging malaking parte ang mga turistang bumibisita rito sa pangunahing layon ng museo: ang pangalagaan ang kultura at tradisyon ng mga Malaynon.
9. Mt. Luho Viewdeck (Boracay Island)
Kung animal lover ka at bumibisita sa isla ng Boracay, kailangan mong dumaan dito dahil bukod sa pagiging viewdeck kung saan makikita ang buong Boracay Island, mayroon ding mini-zoo rito na tiyak na aaliw sa iyo. At kapag tapos ka nang bumisita rito, maaari kang sumakay ng zipline kung nais mong mas ma-enjoy ang bisita mo sa Mt. Luho. Larawan: Krystelle Mhae Malgapo Ignacio
Sa kabilang banda, sulit naman ang entrance fee dahil sa mga naggagandahang view.
10. D' Mall Avenue (Station 2, Boracay Island)
Hindi makukompleto ang bakasyon mo sa Boracay kung hindi mo bibisitahin ang D' Mall Avenue. Kahit na kakaiba ito kumpara sa mga nakasanayan nating mall na may maraming palapag, hindi naman nagkulang ang D' Mall. Nakalihera dito ang mga kainan at tindahang nagbebenta ng mga souvenir. Larawan: Peng Peng via Aklan Life
Binibalik-balikan ang D'Mall hindi dahil sa mga binibenta rito kundi sa kalinisan at ganda nito buhat ng patag nitong daanan, mga punong-kahoy, at mga tanim sa gilid nito.
Sa pangkalahatan, puno ang Malay ng mga pook-pasyalan, kainan, at paliguan na seguradong magugustuhan ng bawat turistang tatapak sa bayang ito. Marami pang mga pasyalan sa Malay ang naghihintay pa na bisitahin ng mga tao.
Kung kaya, pumili ka na mula sa listahan sa itaas ng iyong susunod na destinasyon nang makumpleto mo na ang checklist ng iyong travel bucket list ngayong 2022!