Explained PH - Aklan
Upang patunayan ang kanilang kapasidad na gawing mas progresibo ang probinsya ng Aklan, dalawang kilalang pangalan sa politika ang nagbahagi ng kani-kanilang mga plano at plataporma sa isang panayam kasama ang Explained PH - Aklan.
Mula sa pagiging isang alkalde, nais iparamdam ni Jose Enrique “Joen” Miraflores ang kasanayan niya sa pamumuno hindi lamang sa mga Ibajaynon kundi pati na rin sa buong probinsya.
Habang tinatahak ni Miraflores ang legasiya ng kanyang ama sa pagkagobernador, muli namang sasabak sa parehong posisyon ang dating alkalde ng Kalibo na si William Lachica, kapatid ng kasalukuyang mayor ng munisipalidad.
PANGUNAHING PRAYORIDAD
Miraflores
Nang tinanong kung ano ang pangunahing prayoridad para sa probinsya kung mahalal sa puwesto, ibinahagi ni Miraflores na nais niyang palakasin ang sektor ng agrikultura.
"Sa gihapon, pabaskugon gid naton ro agriculture sector... Ina gid kita nagasalig sa kabuhayan ag syempre trabaho ag negosyo sa aton nga [mga] mangunguma...," pahayag ng alkalde.
Aniya, ipagpapatuloy niya ang programang farm modernization na nasimulan na raw ng kasalukuyang administrasyon. Upang mapadali at mapabilis ang pagtatrabaho ng mga mambubukid, hinahangad din niyang mabigyan ng mga kagamitang pangsaka ang iba’t ibang barangay at kalipunan sa probinsya.
Ang problema sa communal irrigation systems ay nais din niyang tugunan na aniya’y dapat ayusin pa. Dagdag pa rito, isa rin sa mga binabalak ni Miraflores ay ang makapagbahagi ng hydroponics sa mga barangay, na mayroon ang Nalook, Kalibo sa kasalukuyan. Sa pamamagitan nito, makagagawa umano ng “high-valued” na mga gulay.
Tinatawag ding aquaculture, ang hydroponics ay isang alternatibong paraan ng pagpapalaki ng halaman na hindi na kailangang gamitan pa ng lupa upang magbigay ng mekanikal na suporta, sa halip ito ay pinapatubo at hinahalo na lamang sa nutrient solutions.
Dagdag pa rito, nais ding hikayatin ni Miraflores ang mga kabataan na pumasok at makilahok sa mga programa ng agrikultura. Saad ng alkalde, kailangang ipabatid sa mga kabataan na maganda ang sektor na ito sapagkat mayroon din namang mapagkakakitaan.
Lachica
Sa kabilang banda, ang sektor ng kalusugan naman ang bibigyang prayoridad ni Lachica kung saan ang pangunahing suliraning nakikita niyang ikinahaharap ngayon ay ang kakulangan ng pasilidad sa mga ospital.
Dahil sa problemang ito, madalas na isangguni ang mga pasyente sa mga pribadong ospital kung saan hindi naman lahat ay mayroong kakayahang makapagbayad nang buo.
"...Pagtao it [ospital] sa kada banwa-banwa, like Madalag Hospital, Malay Hospital, Ibajay Hospital, Altavas Hospital. Dahil daya... ro mueo-mueo it aton nga mga igmanghud hay ako nagalibot hay ruyon do andang ginapaabot kakon nga 'Kung ikaw ma-elect hay imo gid nga taw an it importansya ro health namon," paliwanag ni Lachica.
KABATAAN
Miraflores
Kasunod naman sa mga nais isulong ni Miraflores sa probinsya ay ang mga programang pangkabataan kung saan aniya'y noon pa lang ay ipinaplano na niyang magpatayo ng youth center sa Ibajay.
“May budget eon ako... ro akong problema kato is eugta. Youth Center, meaning may sangka building kita nga ina tanan, may library kita. Online library, madya haron ro kueang iya sa Aklan, nga kung siin ro mga uwa't kaya naton nga mga estudyante hay makaagto sanda ina anytime," saad ni Miraflores.
Ayon kay Miraflores, may nakita siya sa Capitol ng probinsya kung saan maaari itong magawa. Kung maipatatayo, dito raw magkakaroon ng iba’t ibang sports establishments katulad ng indoor volleyball court, table tennis, badminton, at pati na rin isang skate park.
Dagdag pa rito, mayroon ding music room, audio visual room (AVR), at tutoring room para sa mga bata, na nakapaloob sa youth center.
Lachica
Ang plano naman ni Lachica para sa mga kabataan ay mabigyan sila ng oportunidad na makapagsagawa ng malalaking programa sa probinsiya katulad ng sports development na isa raw sa mga dapat bigyang-pansin dahil sa kakulangan ng sports facilities sa probinsya.
“Dapat 'yon ang una dapat nating gawin. Totoo may mga sports facilities kita iya sa mga barangay pero 'yong kulang para sa atin sa buong Aklan," pahayag ni Lachica.
Isa rin sa pinagtutuunan ng pansin ni Lachica ay ang pag-aaral ng kabataan. Ayon sa kanya, maglalaan sila ng pondo para sa mga kabataang nangangailangan ng tulong-pinansyal.
LGBTQIA+ COMMUNITY
Miraflores
Sa kagustuhang mabigyan ng plataporma, pinapahalagahan din ni Miraflores ang mga nabibilang sa LGBTQIA+ community na nais niyang suportahan ang mga programa katulad ng ginawa niya sa Ibajay bilang alkalde.
Isa na rito ay ang paglaan niya ng badyet para sa mga aktibidad at programang gustong ilunsad ng nasabing sektor sa munisipalidad.
“For this year, may hundred thousand sanda [LGBTQIA+ community sa Ibajay] nga budget kakon nga kung siin... ro andang programs, activities nga gusto nanda mapaguwa or ma-share iya sa amon nga pumueuyo…,” saad ni Miraflores.
Dagdag pa rito, nagkaroon din sila ng “march” bago pa ang pandemya kung saan nilibot ng mga LGBTQIA+ ang buong munisipalidad ng Ibajay upang iwagayway ang kanilang bahagharing bandila bilang paalala para sa mga mamamayan na hindi dapat sila diskriminahin.
Lachica
Sa kabilang banda, wala pa umanong tiyak na plano si Lachica para sa LGBTQIA+ community subalit pagtutuunan niya raw ito ng pansin.
"Siguro sa ngayon ay prinepepare ko pa lang 'yong plano kung ano, kasi unprepared pa kita dahil hindi pa alam natin kung tayo ay mahalal bilang gobernador,” paliwanag ni Lachica. “Pero, siguro 'yan ang bigyan ko ng pansin, pasensya na, 'di ko pa masagot yan,” saad ni Lachica.
SENIOR CITIZENS
Miraflores
Para naman sa senior citizens, sinabi ni Miraflores na may mga programang inilulunsad sa nasyonal at lokal na antas para sa kanila.
“Close coordination gid sa aton nga mga OSCA [Office of Senior Citizen Affairs] head, sa aton nga mga Senior Citizens presidents kung ano gihapon ro andang kinahangeanon nga suporta. Ina kita karon gabulig sa pagtao it ayuda, sa pagtao it kailangan nanda sa andang day-to-day nga pagpangabuhi," sabi ni Miraflores.
May mga programa ring nakatutulong upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DWSD). Noong 2020, 32,272 benepisyaryo partikular ang indigent senior citizens ng Aklan, ang nakatanggap ng social pension na nilaan ng DSWD na umaabot sa PHP 96.816 milyon.
Ito ay alinsunod sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 o Republic Act 1994 na nagsasaad na isang buwanang stipend na PHP500 ang nakalaan upang tustusin ang pang-araw-araw na pangkabuhayan at iba pang pangangailangang medikal ng isang kwalipikadong benepisyaryo.
Lachica
Sa kabilang dako, ang mga plano naman ni Lachica para sa senior citizens ay mabigyan sila ng hanapbuhay at ipagpatuloy ang mga programa para sa kanila.
"Katulad dito dati sa municipal na mayroon silang pharmacist na dapat andyan 'yong mga gamot,” pagbahagi ni Lachica. Ang pagkakaloob ng mga parmasista para sa mga senior citizens ang isa sa mga ginawa niya sa Kalibo noon, kung kaya’t dapat daw silang bigyang-pansin at suportahan.
Ayon sa kanya, isa rin sa mga pagtutuunan niya ng pansin ay ang hiling ng mga senior citizens na magkaroon ng lugar kung saan maaari nilang puntahan at pagdausan ng mga pagpupulong, at makipaghalubilo at kumain.
MANGGAGAWA
Miraflores
Ngayong pandemya, isa sa mga ginawa nina Milafores upang tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa ay ang pagpunta sa mga barangay upang kausapin ang mga lider at barangay councils ukol sa kanilang mga problema.
Mula rito, sinasabing marami ang displaced workers at nawalan ng negosyo sa kanilang munisipalidad kung kaya’t inorganisa nila ang mga manggagawang ito bilang isang kapisanan at binigyan ng Php 100,000 bilang badyet ng kanilang negosyong ninanais.
“Paagi karon nagapati ako nga mabahoe nga bulig ron sa atong mga displaced workers kung sanda ga-grupo, taw an naton sanda it commitment, obligasyon, para sanda mismo hay mapabahoe nanda ro anda nga hapilian," pahayag ni Miraflores.
Lachica
Dahil sa pandemya, apektado ang hanapbuhay ng mga manggagawa at maging ang kanilang pamilya kung kaya’t ang isa raw sa mga dapat gawin ayon naman kay Lachica ay mapaunlad ang isang lugar at humingi ng investor para mamuhunan sa probinsya ng Aklan.
Ayon kay Lachica, ito ang isinusulong sa kasalukuyan ng Build, Build, Build ni Pangulong Duterte kung saan malaki raw ang epekto nitong makahikayat sa mga investor na mamuhunan sa probinsya ng Aklan. Isa rin sa plano ng dating alkalde ay ang pagpapatupad ng mga proyekto katulad ng farm-to-market road.
“Halimbawa, barangay Andagao may project nga 5 million, mismo una sa barangay nakon itao ro pagtrabaho, pag-construct it duyong [project] dahil para do mga tawo hay makaturo man it trabaho. Bukon it do contractor hay machine eang hay, 'pag machine lang hay wa eon it trabahador, [ag] worker nga makatrabaho," paliwanag ni Lachica na naniniwalang marami ang mabibigyang ng trabaho.
KATUTUBONG PILIPINO
Miraflores
Hangad ni Miraflores na mabigyan ng boses ang mga katutubong Pilipino sa probinsya, lalo na sa Libacao, Aklan sa pamamagitan ng kanilang komitiba at pagpapangkat sa kanila upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Aniya, ang nabibilang sa sektor na ang bahala kung anong mga programang nais nilang isulong at sentimientong gustong ipabatid sa gobyerno.
“Ina dayon naton sanda maistorya. Their leaders, kung ano pagid ro aton nga ikabulig sa aton nga Ati Sektor iya sa Probinsya it Akean,” pahayag ng alkalde.
Lachica
Binibigyang-halaga rin ni Lachica ang mga katutubong Pilipino, sapagkat ayon sa kanya, sa kabuuan sila’y nangangailangan ng tulong.
“Siguro aton gid taw-an it importansya sanda nga mapaabot kanda ro programa it aton nga probinsya. Nga ano baeang programa nga makadevelop kanda nga may anda man nga knowledge about sa farming, may knowledge sanda about pananom ku andang mga prutas hay abo nga bakante nga bukid,” saad ni Lachica.
Dahil sa iba’t ibang produktong makikita sa Aklan, isa rin sa mga programa nila Lachica para sa sektor na ito, kung siya ma’y maluklok sa posisyon, ay mabigyan ng kahalagahang matutuhan ng mga katutubong Pilipino kung paano magtanim.
Samantala, noong 2014, bilang umuupong alkalde noon, kinuwestyon si Lachica ng mga opisyal ng Roxas, City kung ano ang ginawa ng lokal na pamahalaan ng Kalibo para paalasin ang mga Badjao mula sa munisipalidad. Ito ay pagkatapos obserbahin ng mga opisyal ng nasabing lungsod ang paglobo ng bilang ng mga Badjao sa kanilang lansangan.
Kilala ring “sea dwellers,” ang mga Badjao ay tinuturing katutubo ng Mindanao. Upang maiwasan ang mga insurhensya o rebelde sa sariling bayan, ang ilan sa kanila ay napilitang tumakas sa mga lungsod.
Ayon kay Lachica, sila ay nagpalabas ng executive order para lumikha ng Task Force Badjao. Ito ay pagkatapos niyang makatanggap ng mga reklamo ukol sa “misbehavior” ng mga katutubong Mindanao.
Layunin umano ng Task Force na ito na tugunan ang mga problemang may kinalaman sa mga katutubo kung saan sila ay makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at sa mga pinuno ng Badjao upang magsasagawa ng konsultasyon at diyalogo.
SINING AT KULTURA
Miraflores
Malaki ang interes ni Miraflores sa mga tradisyon at kultura lalo na sa probinsya ng Aklan. Aniya, Aklan ang pinakaunang probinsya sa Pilpinas kung kaya’t marami ang nangyari noon na naniniwala siyang dapat malaman ng mga mamamayan.
Bago pa man ang pandemya, nagtatag sina Miraflores sa kanilang munisipalidad ng Ibajay Culture Arts Council (ICAC) upang preserbahin ang kanilang mga tradisyon at kultura. Isa na rito ang Ibajay Ati-ati kung saan muli nilang ginanap (re-enact) ang pinagmulan o kung paano nadiskubre ang Sto. Niño.
“So sa bilog nga Probinsya it Akean, every municipality has different traditions, cultures, and history. Ag haron ro atong dapat ipabugae paagi man ron dayon sa aton nga turismo,” pahayag ng alkalde.
Lachica
Isa naman sa mga plano ni Lachica para sa sektor na ito ay ang pagkakaroon ng mga programang kaugnay sa sining at kultura sa bawat munisipalidad ng probinsya.
Kaugnay nito, isinaad niya ang kahalagahan ng pagtatag ng ahensya sa bawat munisipalidad upang may mamahala sa mga programang ilulunsad na may kinalaman sa sining at kultura na ginawa na rin nila sa bayan ng Kalibo.
“So raya hay tutukan naton, every municipality dapat may anda nga culture and arts nga team nga una mismo sa andang municipality," saad ng dating alkalde.
TURISMO
Miraflores
Kabilang naman sa mga plano ni Miraflores para sa sektor ng turismo ay ipagpapatuloy ang pakikipagsosyo sa mga ahensyang pang-nasyonal. Ang pagkakaroon ng tourist circuit o Aklan circuit ang isa sa mga binabalak niyang ipatupad.
“Nga kung siin hay maka-offer abi kita it maskin one night eang sanda iya sa Aklan, two nights sa Boracay pero ro importante hay malibot man nanda ro tourism sites naton iya sa Aklan,” paliwanag ni Miraflores.
Dito rin niya binigyang-diin ang food tourism. Ayon sa kanya, ang mga lokal na mga lutuin ng Aklan ay hindi masyadong inaalok sa mga restawran sa Boracay, kung kaya’t naniniwala siya na kung ito ay magagawa, masasaksihan din ang food tourism sa probinsya.
Lachica
Maliban sa Boracay na isa nang kilalang atraksyon, naniniwala naman si Lachica na marami pang lugar sa probinsya ang maaaring mapaunlad pa katulad ng mga pook sa Libacao.
Dagdag ni Lachica, maarami ring magagandang destinasyon sa munisipalidad ng Buruanga subalit kulang lamang sa promosyon.
“Promosyon importante dapat daya ibutang sa atong gobyerno ro promosyon para sa aton nga mga interesadong mga business sector nga naila mag-invest sa anda nga tourism industry iya sa aton nga probinsya it Akean,” pagdidiin ni Lachica.
PAMPALAKASAN AT E-SPORTS
Miraflores
"...Haron gid ro sambato nakon nga naging priority program iya sa Ibajay. Dahil gusto ko gid abi nga mabuligan ro atong mga inunga nga kung siin sanda naga-excel. Not only basketball, but iba't ibang klaseng sports hay gintutukan gid naton ron.”
Ito naman ang naging tugon ni Miraflores nang tanungin kung ano ang mga plano niya para sa sektor ng pampalakasan.
Aniya, dapat itong tutukan sapagkat nagbibigay rin ito ng karangalan sa Aklan tuwing ipinadadala ang mga atleta sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Maliban dito, naniniwala siyang makatutulong ito upang mababawasan ang mga kabataang tumatambay na lamang.
Sinasabing pinakamalawak sa kasalukuyan ang E-Sports, na sinimulan na niya sa kanilang munisipalidad sa pamamagitan ng isang Mobile Legends tournament sa buong probinsya ng Aklan.
Sa pangkalahatan, nais bigyan ni Miraflores ng plataporma ang nabibilang sa sektor na ito kung saan ang kanilang mga talento at kakayahan ay makikita at makikilala hindi lamang sa probinsya ng Aklan kundi pati na rin sa buong Pilipinas.
Lachica
Sa kabilang banda, sinusuportahan din ni Lachica ang mga programang pampalakasan at E-Sports sa probinsya. Ayon sa kanya, marami umanong “sports-minded” na nangangailangan ng suporta kung kaya’t dapat daw silang bigyan ng kahalagahan.
“Kailangan gid naton nga taw an sanda it importansya man dahil ro anda nga plano hay [para sa] ikamayad sa aton nga banwa. Hay aton gid nga suportahan. Hay ruyon malang ro kinahangeanon naton sa mga youth ngaron nga do pagtan-aw kanda ko aton nga opisyal ko aton nga banwa nga sanda hay manami man andang plano. Ngani taw-an gid naton sanda it importansya,” paliwanag ni Lachica.
Ang mga plano’t plapormang inilapag ng dalawang kumakandidato sa pagkagobernador ng probinsya ay isa lamang pasilip sa kanilang tunay na kakayahang mamuno, kung kaya’t nasa kamay ng mga Aklanon nakasalalay ang masusing pagkilatis nito para sa magiging kapakanan ng iba’t ibang sektor sa probinsya ng Aklan.