Ni: Amiel Roy Zaulda
Nagkakahalagang 2.1 milyong pisong ilegal na ibinebentang mga antigen kit at pekeng gamot ang nakulimbat sa pitong suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City.
Nabisto sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ang mga ilegal na ibinibentang antigen kit mula sa limang tao, samantalang nadampot ang mga ibinibentang pekeng gamot mula sa dalawang suspek.
Sa unang operasyon sa Brgy. Sta. Mesa Heights, kinumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Lunes, Enero 17, bandang 4:50 ng hapon ang 200 kahon ng mga Clungene rapid test kit na nagkakahalagang P800,000, isang Toyota Innova, at isang cellphone mula kina Erwin Baluyot,39, at Rocky Victoring, 35.
Sa kabilang dako, dinampot ng kapulisan ng Holy Spirit police station sa Brgy. Holy Spirit noon ding Lunes bandang alas-9 ng umaga ang 338 kahon ng mga pekeng gamot na nagkakahalagang P109,000 at isang Toyota van at Mitsubishi Mirage hatchback na sinasabing ginagamit sa mga transaksiyon mula kina Jessieco Ibarola, 47; at Francisco Ramal Jr., 45.
Ayon sa kapulisan, ang mga ibinibentang gamot ng mga suspek ay para sa mga sintoma ng COVID-19 gaya ng ubo, sipon, lagnat, at pananakit ng tiyan. Dagdag nila, ang laman ng 338 kahon ay ang mga sumusunod: paracetamol, mefenamic acid, solmux, amoxicillin trihydrate, amlodipine besilate, losartan at loperamide.
Sa sumunod na operasyon naman ng CIDG sa Brgy. Krus na Ligas bandang 2:10 ng hapon noong Martes, Enero 18, nabawi ang 300 kahon ng mga COVID-19 rapid antigen test kit na nagkakahalagang P1.2 milyon, isang sasakyang Ford Everest, at isang cellphone kina Irene Alvarado,30; Elgin Alvarado,32; at Aurelio Agustin, 52.
Ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, field office chief ng CIDG National Capital Region, ang limang suspek ay kabilang sa isang criminal gang sa Sta. Mesa, Manila na ilegal na nagbebenta ng mga COVID-19 Clungene test kit sa social media.
Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Administration Act ang naunang limang suspek na nahuli dahil sa ilegal na pagbebenta ng mga antigen kit, samantalang haharap naman sa kaso ng paglabag sa Republic Act 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs ang dalawang suspek dahil sa pagbebenta ng mga pekeng gamot.