'LIWANAG SA DILIM' Leni-Kiko tandem, bumisita sa Aklan

 Nina: Bernadette Magoncia at Jayrha Yap

Larawan: VP Leni Robredo Facebook Page

Kasing sigla ng pagdiriwang ng Ati-atihan Festival ang naging pagtanggap ng mga Aklanon "Kakampinks" sa tandem nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan kasama ang kanilang senatorial slate na Tropang Angat sa kanilang pagbisita sa probinsya ng Aklan noong Pebrero 15

Namukadkad ng "kulay rosas" ang Aklan Catholic College (ACC) Mabasa Campus sa Andagao,Kalibo kung saan humigit kumulang 5,673 katao ang dumalo sa People's Campaign Rally ng Leni-Kiko Tandem na inorganisa ng mga youth volunteers sa buong lalawigan na may basbas ni Rev. Fr. Jose Gualberto I. Villasis, Ph.D., ACC Rector-President. 


Nagsimula ang paglalakbay ng Leni-Kiko sa probinsya sa pagsalubong ng mga Aklanon sa Kalibo International Airport bitbit ang kanilang mga poster at flaglets at baon na mga paandar bilang pagpapahayag ng suporta sa mga kandidato na sinamahan nila hanggang matapos ang caravan sa Provincial Capitol.  


Habang naghihintay ang mga taga-suporta sa ACC Annex Gym sa pagdating ng mga kandidato ay boluntaryong ipinamalas ng mga kabataan ng Aklan ang kani-kanilang talento at tanging "radikal na pagmamahal" lamang ang puhunan. 


Naunang dumating sa venue ang mga Senatorial candidates na sina Atty. Chel Diokno, Atty. Alex Lacson, Sen. Dick Gordon, Gary Alejano bilang kinatawan ni Sen. Antonio Trillanes, Atty. Dino de Leon bilang kinatawan ni Sen. Leila De Lima, at Atty. Arnel Casanova bilang kinatawan ni Teddy Baguilat.


Sa pagdating ni VP Leni at Sen. Kiko ay umugong ang hiyawan at tambol ng mga 'Kakampinks'  at ang mga katagang “Gobyernong tapat, angat buhay lahat!” ay umalingawngaw sa buong venue. 


Naunang nagpakilala at naglahad ang Tropang Angat ng kanilang mga plataporma sa harap ng mga Aklanon at kahit malayo ay naiparating nila Sen. Leila De Lima at Risa Hontiveros ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng isang inihandang bidyo.


“Piliin natin ang soberanya. Piliin natin ang demokrasiya. Piliin natin sina Leni Robredo at Kiko Pangilinan. May laban tayo. Ibalik ang hustisya,” paninindigan ni De Lima.


Sumunod din ang mensahe at paghahain nila Sen. Kiko at VP Leni ng kanilang plataporma.


“Libo-libo na ang namatay. Milyon ang nawawalan ng trabaho at milyon ang nagugutom. Sa Mayo 2022, buhay ang nakataya, gutom, pagkain, lahat nakataya. Kaya tiyakin nating tunay at totoo ang iboboto natin,” pahayag ni Sen. Kiko. 


Nagpasalamat si Robredo sa mga grupo at sektor na dumalo, sumuporta at nagsagawa ng nasabing programa, aniya: “Ito ang energy ng volunteers na nagkusa, walang bayad, walang ibinibigay na pagkain, madalas kayo pa ang gumagastos, pero patuloy na sinasamahan tayo sa laban na ito!”


Dumalo rin ang ilang personalidad sa probinsya na sina Cong. Teddy Casiño, Aklanon SP Member Soviet Aguirre Dela Cruz, at Kalibo SB Member Philip Yerro Kimpo. Nagbigay rin ng suporta ang MAKABAYAN Bloc - Aklan. 


“Aasahan niyo sa 84 days na natitira, araw-araw namin kayong kasama.” konklusiyon ni VP Leni. 


Nagtapos ang People’s Rally sa isang mistulang naging mini-concert dahil sa fireworks display at pagwagayway ng mga tao ng kanilang mga flashlight kasabay sa pagkanta ng “Liwanag sa Dilim” ng Rivermaya.


Samantala, tinapos ng Leni-Kiko tandem ang kanilang pagbisita sa Aklan kinaumagahan, Pebrero 16, sa isla ng Boracay kung saan unang binisita ni VP Leni ang Ati Community sa Sitio Lugutan, Brgy. Manocmanoc.



"Ang akin lang pong assurance sa inyo, na pag tayo po binigyan ng pagkakataon, gaano man kakaunti kayo, gaano man kalayo kayo, sisiguraduhin po natin na ‘yung ating gobyerno ay inaalagaan kayo," saad ni Robredo sa 200 miyembro ng komunidad sa Manocmanoc.


Pinasalamatan din ni VP Leni ang Daughters of Charity Sisters sa pagkalinga sa mga Ati na muntik nang mawala sa Boracay noong taong 2012, ngunit napigilan ng kanyang yumaong asawang si DILG Secretary Jesse Robredo.


Nakipagpulong din ang Leni-Kiko tandem sa iba’t ibang grupo at stakeholders sa isang multisectoral meeting kung saan inilahad nila ang kanilang plataporma tungkol sa turismo ng Boracay, paglaganap ng mga maling impormasyon, at ang kanilang pagtutol sa pagpasa ng  Boracay Island Development Authority (BIDA) Bill. 


"Maraming salamat sa inspirasyon na binigay ninyo sa amin ngayong araw. Bitbit po namin sa aming mga puso ‘yung narinig namin na kwento, bitbit po namin sa pag-alis namin ‘yung pagpapasalamat na kahit marami kayong hinaharap na mga problema, naiisip niyo pang magkampanya para sa akin," pagpapaalam ni VP Leni sa mga taga-suporta. 


Matatandaang sa pagtakbo niya bilang bise presidente noong 2016 general elections ay nanguna si VP Leni sa Aklan at humakot ng 148,280 na boto. Pumangalawa naman dito ang ngayong kumakarera rin sa pagkapangulong si Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. na kumolekta ng 51,395 na boto. 


Previous Post Next Post