PhilSys ID, PhilSys Number sapat nang 'proof of identity, age' sa mga transaksiyon ng pamahalaan, pribadong ahensiya

 Ni: Amiel Zaulda

Isinasainstitusyon na ang pagtanggap at paggamit ng Philippine Identification System ID at PhilSys Number at mga derivative nito bilang sapat nang katibayan ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino at resident alien sa kanilang mga transaksiyon sa mga pampubliko at pampribadong tanggapan.


Larawan: GMA Network

Sa bisa ng Executive Order No. 162 na nilagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte, Peb. 16, ang mga sumusunod ay itinakda:

  • Dagdag sa pagiging opisyal na ID system ng mga Pilipino sa bansa na government-issued, ang pagpresenta ng PhilSys ID at/o number ay sapat nang katibayan ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal at kaniyang edad.
  • Ang PhilSys Number/PSN o ang PSN Derivative, na itinakda ng Philippine Statistics Authority sa bawat indibidwal, ay maaaring gamiting pamalit o "substitute" para sa PhilSys ID. Ito ay dapat na tanggapin ng mga pampubliko at pampribadong ahensiya sa mga transaksiyon.
  • Bukod sa pangalan at edad ng indibidwal, maaaring gamitin ng mga Pilipino ang PhilSys ID at PSN upang ibigay ang mga personal na impormasyong nakasaad sa PhilSys ID at PSN nila kapag hiningan sila nito.
  • Pagdating naman sa ilang transaksiyon na mahalaga ang katibayan ng edad, maaaring ipresenta ng mga Pilipino ang kanilang birth certificate sa mga pagkakataong magpapa-"enroll" sa paaralan, pagkuha ng marriage license, driver’s license sa LTO, at pagkuha ng aplikasyon sa Philippine Regulatory Commission at pagpaparehistro bilang botante sa COMELEC.
  • Sa mga pagkakataong hindi makabigay ng PhilSys ID o PSN ang mga mamamayan, maaari nilang ipresenta ang iba pang goverment-issued na ID.
  • Ipinagbabawal ang pagdidiskrimina ng mga ahensiya o tanggapan sa mga mamamayang walang maipakitang PhilSys ID o PSN.
  • Inuutusan ng kautusang ito ang mga ahensiyang napapailalim sa citizen's charter at pampribadong sektor na ipaalam sa kanilang mga miyembro o sa publiko ang mga pagpapabago sa kanilang sistema ng pagpresenta ng katibayan ng pagkakakilanlan at iba pang personal na impormasyon, lalo na ang paggamit ng PhilSys ID at mga panuntunan kung paano gamitin ang mga ito.


Sa kabilang banda, pinuri naman ni Senator Bong Go ang executive order na pinirmahan ni Pangulong Duterte. 


Ani Go, “If we are to fully achieve the full benefits of the national ID system, the institutionalization of its use is necessary, ensuring faster, more efficient, and more cost-effective delivery of government services.”


“Moreover, ... the transition to e-governance becomes crucial, particularly the digitalizing of government processes. E-governance will reduce red tape, eliminate corruption, enhance transparency, provide safe and convenient delivery of services to the people, and encourage citizen feedback and participation in governance,” dagdag ng senador.


Matatandaang sa pangunguna ng PSA, nagsimula ang pagpaparehistro at pag-isyu ng PhilSys ID at PSN noong Oktubre 2020 nang maitatag ang Philippine Identification System noong 2019 alinsunod sa RA No. 11055 o ang "Philippine Identification System Act" na isinabatas noong 2018.


Sa huling ulat ng PSA sa Facebook noong Enero 5, mahigit 42 milyong Pilipino na ang matagumpay na nakapagrehistro para sa PhilSys ID.



Samantala, mahigit limang milyon naman ang itinalang nakatanggap na ng kanilang PhilSys ID, ayon sa PSA, sa ulat naman nito noong Pebrero 2.


Inaaasahan ng PSA na 92 milyong Pilipino na ang rehistrado para sa PhilSys sa pagtatapos ng 2022.


Panghuli, binubuo ng tatlong step o "hakbang" ang pagpaparehistro ng PhilSys kung saan ang Step 1 ay maaaring gawing online sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa link na ito:
https://register.philsys.gov.ph/#/eng .

Previous Post Next Post