Ni: Amiel Roy Zaulda
Larawan mula kay VP Leni Robredo
|
Nakatakdang bumisita sa mga susunod na araw rito sa lalawigan ng Aklan si Bise Presidente at presidential aspirant Leni Robredo upang mangampanya sa masang Akeanon.
Inanunsiyo ng Youth for Leni-Kiko AKLAN sa kanilang Facebook page na darating ang bise presidente sa lalawigan sa Martes, Peb. 15.
Sa iskedyul na inilabas ng parehong Facebook page, magaganap ang people's rally ni Robredo sa Peb. 15 bandang alas-kuwatro ng hapon sa Aklan Catholic College-Annex Campus (Mabasa Campus).
Hindi ito ang unang pagkakataon ni Robredo sa Aklan dahil nilibot din niya ang buong lalawigan anim na taon ang nakararaan para mangampanya nang tumakbo siya sa pagka-pangalawang pangulo noong Halalan 2016.
Matatandaang nagdaos ang Youth for Leni-Kiko AKLAN ng pink caravan noong Okt. 31, 2021 bilang pagsuporta sa pagtakbo sa pagkapangulo ni Robredo.
Sa kabilang banda, nanguna naman ang Leni-Kiko tandem sa katatapos lang na 2022 pre-elections youth survey na inorganisa ng Explained PH-Aklan kung saan nakakuha si Robredo ng 61.2% at 43.1% naman ang kay Kiko Pangilinan.