Mga panibagong restriksiyon sa transportasyon at turismo sa Aklan, ibinaba na

Ni: Samantha Isobel P. Tumagan

Ibinaba na ng office of the provincial government ng Aklan ang Executive Order no. 001 Series of 2022 na nagtatalaga sa mga panibagong restriksiyon ukol sa transportasyon at paglalabas-masok ng mga tao sa lalawigan.

Larawan: Wikimedia Foundation

Patakarang pantransportasyon

Nililimitahan lamang sa 70% ang maximum capacity sa mga multicab, jeepney, commuter van, local minibus, regular bus, shuttle bus, transit, motor banca, at iba pang mga sasakyang pandagat. 

Sa mga pampribadong sasakyan, nililimitahan lamang sa limang katao ang maximum capacity kabilang na ang drayber. 

Sa mga tricycle naman, apat (4) na katao lamang ang pwedeng maisakay bukod pa sa drayber. 

Isa lamang ang pinahihintulutang maging backrider sa mga pribadong motorsiklo at ang mga habal-habal ay inaayon sa mga implementasyon ng kani-kanilang mga LGU.

Samantala, ang operating hours para sa pampublikong transportasyon sa Mainland Aklan ay mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi lamang at ang operating hours naman sa isla ng Boracay ay mula alas-4 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Patakarang panturismo

Binigyang-diin na ang lahat ng mga turista at manlalakbay sa lalawigan ay kailangan munang may maipakitang Quick Response (QR) Code ng Online Health Declaration Card (OHDC).

Ang mga balik-probinsya, manlalakbay, at pass-through travelers, bakunado man o hindi, ay kailangan ipakita ang kanilang negative RT-PCR Negative Result Certificate. Dagdag pa rito, ang mga bakunado ay kailangan may maipakitang vaccination certificate. 

Ang mga may kasamang batang mas mababa sa 12-anyos ay hihingan muna ng Certificate of Undertaking Travelling with Minors. 

COVID-19 Vaccination Certificate na may full vaccination status lamang ang kailangan ng mga turistang Aklanon na naninirahan sa probinsya.

Binigyang-diin na mandatory ang paggamit ng AkQuire OHDC QR Code sa lahat ng airlines, helicopter companies, at seaplane services. Ito rin ay ipinapatupad sa isla ng Boracay sa lahat ng business establishments, accomodation establishments, at lahat ng point of entry at exit.

Nananatili sa Alert Level 2 ang lalawigan ngunit maingat pa rin sa banta ng Omicron variant.

Previous Post Next Post