Ni: Samantha Isobel P. Tumagan
Larawan: INQUIRER.NET (Richard A. Reyes)
Dalawang hindi bakunadong senior citizen mula Metro Manila at Central Luzon ang unang naitalang mga kaso ng pagkasawi mula sa Omicron variant sa bansa kahapon, Enero 19.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga nasawi ay mayroon nang iniindang mga sakit bago pa man nakumpirmang positibo sa Omicron.
Kabilang ang dalawa sa mga sumailalim sa genome sequencing noong Enero 14 kung saan 68.9% o 492 sa 714 ng mga sample ang kumpirmadong bagong kaso ng Omicron kahapon. Mula sa tala, 332 ay mga lokal na kaso at ang 160 ay mga balikbayan.
Sa kasalukuyan, tatlong kaso ng variant ang nananatiling aktibo, 467 naman ang gumaling, at 20 sa mga kaso ay patuloy na sinusubaybayan ang kondisyon.
Saad ng DOH, ang pinakamaaapektuhan ng Omicron variant ay ang mga hindi pa bakunado, matatanda, at may mga komorbididad kung kaya’t mahigpit na ipinapaalalang sumunod sa mga health protocols kahit na ang karamihan sa mga naitalang kaso ay gumaling na.