Ni: Amiel Roy Zaulda
Larawan: VP Leni Robredo |
Ipinahayag ni bise presidente Leni Robredo noong Miyerkules na prayoridad niyang pataasin ang edad ng sexual consent ng statutory rape sa 16 mula sa kasalukuyang 12, pinakamababa sa Asya at isa sa mga pinakamababa sa buong mundo.
Naniniwala ang presidential candidate na ang kasalukuyang age of sexual consent sa bansa na 12, na nakasaad sa Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Act of 1997, ay masyadong bata, "anumang anggulo ang tingnan."
Dahil dito, nanindigan siyang kailangang pataasin ang edad ng sexual consent bilang pagprotekta sa mga bata, kanilang kapakanan, at mga karapatan laban sa pang-aabuso.
"Ang bata, napupuwersa, nako-coerce ng mas matanda, at traumatic experience na kailangan pang i-prove na statutory rape ang pinagdaanan ng ganun kamurang edad. Dapat baguhin ito," ani Robredo sa kaniyang post sa Facebook.
Sa kasalukuyan, lagda na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan upang maisabatas ang Senate Bill 2332, o An Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children matapos na maipasa sa pangatlo at huling reading sa senado noong Set. 21, 2021.