Stall sa Kalibo public market, nasunog; sanhi ng apoy, hindi pa tukoy

Ni: ExplainED PH - Aklan

Larawan: Videong kuha ni Reyanne Retiro sa Facebook 


Natupok ng apoy ang Stall No. 77 sa Kalibo Public Market kaninang 3:55 ng madaling araw kung saan ang sanhi ng sunog ay hindi pa matukoy. 


4:10 ng madaling araw nang makatanggap ng alerto ukol sa nangyaring sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) kung kaya agaran silang rumesponde at nagsagawa ng flashing kasama ang Kalibo PNP sa public market. 



Nadeklarang fire out o naapula kaagad ang sunog kaninang 4:20 ng madaling araw, kung kaya hindi na ito kumalat sa mga katabing stall. 


Ayon sa pangunang imbestigasyon ng BFP, ang CCTV at dalawang refrigerator na naiwang nakasaksak magdamag ang sanhi ng mga apoy ngunit sinasabi ring nagsimula ang sunog sa pag-spark ng mga wiring. 



Ang stall na pinagmulan at natupok ng apoy ay pagmamay-ari ni Sherly Lazo, 36, ng Brgy. Mobo, Kalibo. 


Samantala, hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog, ngunit nahagip ng sunog ang mga sangkap sa pagluluto, frozen product, sako ng bigas, iba pang produktong ibinebenta ng stall, at mga appliance nito gaya ng electric fan, CCTV, refrigerator, at freezer.


Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagtukoy ng tunay na sanhi ng apoy.

Previous Post Next Post