Unang kaso ng Omicron sa Iloilo City, naitala

Ni: Amiel Roy Zaulda

Naitala ng Iloilo City noong Enero 4, ang pinakaunang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 matapos magpositibo sa nasabing baryant ang isang seafarer na may travel history sa Kenya.

Photo By BusinessWorld Online


Nakasaad sa isang Facebook post ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na ang seafarer na nagpositibo sa Omicron variant ay 46 taong gulang, lalaki, at walang comorbidity, ngunit hindi bakunado. 


Sa ulat na nilabas ng Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ngayong araw, nakasaad na dumating sa lalawigan ang pasyente noong Disyembre 24, sakay ng Philippine Airlines at sumailalim sa home quarantine. Kumuha ulit ng RT-PCR test sa Uswag Molecular Laboratory ang pasyente noong Disyembre 27 at lumabas na positibo siya sa COVID-19. 


Matapos ang nasabing test, dinala ang specimen ng pasyente sa Philippine Genome Center, at nilipat din siya sa quarantine facility. Kahapon, Enero 4, ay nakuha na ng City Health Office at Iloilo CESU ang resulta ng genome sequencing at lumabas na positibo ang seafarer sa Omicron variant. 


Narito ang mga kaganapan bago siya dumating sa lungsod ng Iloilo: 

Disyembre 12 dumaong ang barkong sinasakyan ng pasyente sa Kenya.

Disyembre 14 lumabas na negatibo siya nang sumailalim sa RT-PCR test.

Disyembre 16 naman nang dumating siya sa Cebu mula Kenya, sakay ang Qatar Airways. 

Disyembre 19 sumailalim ang seafarer sa RT-PCR test at nagnegatibo.



Ani Iloilo City Mayor Jerry Treñas, mabuti na lang na maagang na-detect na positibo sa Omicron variant ang pasyente dahil nagduda sila nang magpositibo ito sa COVID-19 kahit na dalawang beses nang nagnegatibo sa mga nakaraan nitong tests.


Nanawagan naman ang alkalde sa mga taga-Iloilo City na huwag mag-panic, panatilihing sumunod sila sa mga health protocol, at magpabakuna o magpaturok ng booster shot. 


Sa kasalukuyan ay nasa quarantine facility ang nasabing seafarer at iniimbestigahan pa kung mayroon itong mga close contact kahit ginigiit nitong wala siyang kasama sa kaniyang bahay sa Arevalo kung saan siya ay nag-home quarantine.

Previous Post Next Post