'Red, Green Avengers Assemble' Aklanon Bongbong-Sara

 Explained PH - Aklan

Aarangkada ang red and green-themed BBM-Sara Aklan Caravan na inorganisa ng mga Aklanong taga-suporta ng presidential at vice presidential tandem nina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio bukas, Nob. 21.

Alas-sais ng umaga bukas ang assembly time sa Aklan Provincial Capitol ground, at bandang 6:30 ng umaga ay ganap na magsisimula ang caravan.

Hinati naman sa dalawang ruta ang nasabing caravan para sa kanlurang distrito (western district) at silangang distrito (eastern district) ng Aklan.

Ang mga hindi makalalahok sa nasabing caravan ay hinihikayat na mag-abang sa daanan, magsuot ng kulay pulang damit, at magwagayway ng kanilang mga tarpaulin, ayon sa anunsiyo sa Facebook page ni Radyo Todo Aklan anchorman at vice governor aspirant Jonathan Cabrera.

"Let's make the Philippines Great Again," dagdag ni Cabrera, na noong isang araw ay nagpahayag ng pakikiisa sa pagtakbo ni Duterte-Carpio sa pagka-pangalawang pangulo sa darating na 2022 nasyonal na eleksiyon.

Matatandaang sinalubong ng mga Aklanong taga-suporta ni Bongbong Marcos sa Ibajay ang Pink Caravan para kay bise presidente at presidential candidate Leni Robredo na inorganisa ng Youth for Leni-Aklan noong Okt. 30 bilang panunuya rito.

Si Marcos Jr., anak ng yumaong diktador at human rights violator Ferdinand Marcos Sr., na kamakailan ay nagsinungaling ukol sa kaniyang diploma sa Oxford, ay tatakbo para sa pagkapangulo sa darating na eleksyon sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Samantala, si Sara Duterte-Carpio, ang anak ni kasalukuyang pangulo at senatorial candidate Rodrigo Duterte, ay tatakbo sa pagka-pangalawang pangulo sa ilalim ng partidong Lakas-CMD at inendoso rin ng PFP.
Previous Post Next Post