ni Amiel Zaulda
Kabilang pa rin ang Laserna Integrated School ng Nabas, Aklan sa panibagong listahan ng mga pampublikong paaralan na lalahok sa pilot run ng limited face-to-face classes ng Department of Education.
Sa binagong listahang nilabas ng DepEd sa Facebook noong Nob. 3, 100 pampublikong paaralan na ang lalahok sa pilot run ng limited face-to-face classes, mas marami nang 10 kaysa sa nakaraang bilang na 90 pampublikong paaralan.
10 paaralan ang dumagdag, at dalawang paaralan ang pumalit sa dalawang paaralang tinanggal sa listahan dahil hindi na kabilang ang mga lugar nito sa "low-risk area" na kategorya ng Department of Health.
Tatlong paaralan mula sa Rehiyon VI ang lalahok sa pilot run at tanging ang Laserna IS lang ang paaralang mula sa Aklan, samantalang mula naman sa Antique ang Mayabay Elementary School at Igsoro Elementary School.
May 20 pang pampribadong paaralan ang lalahok sa pilot run subalit hindi pa nakapagbigay ang DepEd ng opisyal na listahan ng mga paaralang tinutukoy.
Sang-ayon sa timeline na iprinesenta ng DepEd, magsisimula ang pilot run ng limited face-to-face classes sa Nob. 15 at magtatagal hanggang Enero 31, 2022.
Sa kasalukuyan, Pilipinas na lamang ang bansang hindi pa nakapagbubukas ng mga paaralan magmula nang magsara ang mga ito noong Marso 2020.