Explained PH - Aklan
Ipapakita ni Vice President Leni Robredo sa Miyerkoles ang plano niya para sa mga Pilipino sa krisis na dulot ng COVID-19, ayon sa video na inilabas niya noong Martes ng umaga.
"Balangkas ito ng plano para makalaya tayo sa COVID. Base ito sa pakikipag-usap natin sa mga eksperto, kasama na dito ang mga epidemiologists, mga public health consultants, mga ekonomista at iba pa,” wika pa niya.
Dagdag pa ni Robredo, hinango umano niya ang mga solusyon sa aktwal na karanasan ng mga nars, doktor, mga empleyado, at karaniwang mamamayan na nagtitiis ngayong pandemya.
Sa kasagsagan ng pandemya, aktibo ang bise presidente sa pag-oorganisa ng sarili niyang COVID-19 response katulad ng free swab tests, drive thru vaccination programs, maging ang pagbibigay ng free shuttle services at accomodations sa mga health workers.
“Sa mga nakasama natin sa COVID response initiatives natin, ikuwento ninyo: Hindi lang pangako ang plano natin. Napatunayan na natin ang kayang gawin ng malinis at maayos na pamamahala," pahayag pa ni Robredo.
Hinihimok din ni Robredo ang mga sumusuporta sa kaniya na damhin at magmalasakit sa mga nagkasakit, namatayan, nawalan ng trabaho at kabuhayan.
“Malayo pa ang lalakbayin natin. Pero magkakasama tayo dito. Walang takot, walang alinlangan at buong pagmamahal na humahakbang. Maraming, maraming salamat. Aaasahan ko kayo,” panghuling wika ni Robredo.