ECPay, Tumatanggap na ng Bayad para sa AKELCO

 ni Amiel Zaulda

Maaari nang magbayad ang mga kostumer ng AKELCO ng kanilang buwanang bill ng kuryente gamit ang ECPay na makikita sa CLIQQ app o sa kiosk machine ng 7-Eleven convenience store, ayon sa anunsiyo ng Aklan Electric Cooperative Co. sa Facebook ngayong araw.

Ipinaliwanag ng AKELCO ang proseso ng pagbayad gamit ang ECPay. Una, pumunta muna sa CLIQQ app o sa 7-Eleven kiosk machine at hanapin ang "Bills Payment" o i-search ang "Biller Name (AKELCO)" sa Search tab sa kanang itaas na bahagi.

Ikalawa, kailangang i-input ang mga sumusunod na detalye: ang 10-digit numeric na account number; ang taon, buwan, at account name sa ganitong format: yyyymm<ESPASYO>Account name; at ang eksaktong amount ng bill na mayroong nakalagay na sentimo.

Kapag tapos na ang mga naunang proseso, mag-iimprenta ang kiosk machine o magpapakita ang CLIQQ app ng payment slip na kailangang ipakita at bayaran sa counter ng 7-Eleven. May dagdag na pitong piso bilang convenience fee.

Gayon man, naglatag ang AKELCO ng Payment Acceptance Policy: kailangan ng Statement of Account (SOA) mula sa kostumer; tumatanggap lang ng "Cash Payment" at kasalukuyang banknote; kailangan na ang ang pagbayad ng electric ay bago o sa mismong araw ng due date, at ang partial o short payment ay hindi ipo-post ng AKELCO.

Dagdag pa rito, hindi dapat naka-round off ang amount dahil kailangang eksakto ito at kasama ang sentimo. May dagdag din na pitong piso bilang convenience fee.

Binigyang diin naman sa Payment Acceptance Policy na dumeretso sa mga AKELCO branch mismo magbabayad ang mga kostumer kapag nahuli sila sa due date, ilang buwan nang hindi nakabayad (arrears), at kapag may disconnection.
Previous Post Next Post