Administrasyong Traydor sa mga Katutubo

 Explained PH - Aklan

Cartoon: Aldrich Facultad

"Maraming buhay na ang itinaya sa patuloy nilang pakikibaka."

Katutubo ang nagsisilbing pulso ng kanayunan at isa sa pambansang minorya sa lipunan. Salungat sa inaakala ng iilan na namumuhay sila ng payapa malayo sa kabihasnan, sunod-sunod na pananamantala, opresyon, pagpatay, pangangamkam ng kanilang lupain at redtagging ang dinanas at dinaranas nila at mas lumala nitong mga nagdaang taon. Sa katunayan, maiuugnay ang problema sa mga programa at batas ng gobyerno na hindi pabor sa kanilang panig at sa mala tiranikong pagtrato ng rehimeng Duterte at umiiral na burukrata kapitalismo noon pa man.

Sa datos ng Global witness, pumapangatlo ang bansa sa pinaka delikadong lugar para sa mga environmental defenders na kung saan nakapagtala ng 166 na land at environmental defenders ang pinaslang simula ng nahalal sa pagka Pangulo si Duterte hanggang katapusan ng buwan ng nakaraang taon. Maiuugnay ang mga ito sa pagtutol nila sa mining, logging at dam projects.

Mas pinaigting pa ng administrasyon ang mga batas at polisiya na sentro ang pagpuksa sa mga komunistang grupo, naging armas din ito sa sunod-sunod na militarisasyon at walang batayang akusasyon sa mga katutubo. Halimbawa sa mga ito ay ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at Anti Terrorism Law.

Hindi maipagkakaila na hinahayaan ng rehimen ang kapitalistang mga hilaw gayundin ang mga galamay nitong mga programa at ahensya na samantalahin ang mga katutubo. Malinaw na pamamasista at tiraniya ang umiikot sa kanayunan maging sa kabundukan, na kung saan ugat ang mala imperyalistang pamamaraan. Patunay rin ito na hinahayaan ang imperyalistang-US maging ang malalaking burgesya komprador na kontrolin ang sitwasyon ng pambansang minorya at mamayani ang malalaking negosyo sapagkat sila rin mismo ay nakikinabang habang ang ordinaryong Pilipino ay namumulubi at ninakawan ng sariling teritoryo sa sariling bansa. Bagamat kibit-balikat ang pamahalaan sa sunod-sunod na patayan.

Nitong ika-30 ng Disyembre, nakaraang taon, siyam na Katutubong Tumandok ang pinatay at 17 naman ang inaresto ng awtoridad sa Panay Island dahil sa walang basehang akusasyon na ayon sa militar--miyembro 'raw' ang mga ito ng komunistang grupo at nanlaban umano kaya pinatay. Nito ring ika-15 ng Hunyo ngayong taon, tatlong katutubong Lumad kabilang ang 12 anyos na estudyante ang pinatay sa kaparehong dahilan.
Patuloy rin ang operasyon at mga proyekto sa teritoryo ng mga katutubo magpahanggang ngayon. Ilan sa mga ito ang China-funded Kaliwa Dam sa probinsya ng Quezon at Rizal na maglalagay sa libo-libong katutubong Dumagat at Remontado sa alanganin. Dagdag pa rito ang Aeta sa New Clark City sa Central luzon na apektado rin ang Ancestral Land dahil sa ipapatayong sports complex, airport at special economic zone para sa mga dayuhang mamumuhunan.
Lantad na lantad ang tiranikong pagtrato ng rehimeng Duterte sa mga katutubo. Galamay ng gobyerno ang mga batas at programang umiiral upang supilin ang pambansang minorya. Malinaw na nakasaad sa Republic Act No. 8371 o mas kilala bilang Indigenous Peoples' Rights Act (IPRA) na lehitimong kinikilala at binibigyang respeto ang kultura ng mga katutubo, at karapatan nila sa kanilang lupain kasama na ang pamahalaan ito. Sa kabilang banda, salungat sa batas ang dinaranas nila.
Sa bisa rin ng Republic Act No. 8371 itinatag ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Salungat sa inaakala na ang komisyong ito ay maglilingkod sa mga katutubo, naging daluyan ang NCIP sa patuloy na operasyon ng malalaking korporasyong pagmamay-ari ng dayuhan na bina balasubas ang katutubo. Halimbawa nito ay ang Tampakan Mining Project sa lupain ng mga Blaan sa South Cotabato na pinahintulutan ng NCIP. Sa halip na sa katutubo ang katapatan, mas pinapaboran nito ang mga banyaga. Patunay ang NCIP na mas peke pa tsina ang kanilang layunin.

Sa halip na pangalagaan ang mga katutubo bilang bakas ng saganang kasaysayan ng kultura, dahas ang naging tugon sa hinihinging pagkilala sa kanilang karapatan. Komunista 'raw' ika nga ng estado, kaya pinapatay ng mga berdugo at binabasura ang karapatan kahit nakaangkla na ang IPRA sa pamumuhay nila. Lagpas dekada nang isinusulong ng mga katutubo ang panawagan nilang itigil ang militarisasyon, modernisasyon, at industriyalisasyon sa lupang kinatatayuan nila, subalit 'bala' ang naging sagot sa sino mang kokontra. Tila ba bulag ang estado sa tusong mga dayuhan.

Maraming buhay na ang itinaya sa patuloy nilang pakikibaka. Sila na narito nasa sariling bansa, sila pa ang pinagkaitan at ninakawan ng lupain, inabuso, at pinatay dahil salungat sila sa diktaduryang pamumuno. Lantad dito kung anong liderato ang mayroon tayo: may pagyurak sa pambansang minorya sa ngalan ng progreso, sapat na nga ito para bansagang mga namumunong traydor sa kapwa Pilipino.
Previous Post Next Post